Nilinaw ng Department of Health (DOH) na hindi pa maaaring magpakampante ang publiko kahit nalampasan na ng bilang ng recoveries ang numero ng mga namatay sa bansa dahil sa COVID-19.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, maituturing lang na magandang indikasyon ang pagsipa ng recovery count sa 435 dahil 82 na naitala kahapon na gumaling.
Paliwanag ni Vergeire, posible na yung mga nai-report na gumaling sa nakalipas na araw ay kabilang sa mga unang COVID-19 patients na dinala sa ospital.
Simula noong Lunes, April 13 naitala ang sunod-sunod na mataas na bilang ng reported recoveries.
At nitong Huwebes, mas mababa na sa 362 ang total deaths bunsod ng 13 naitala na bagong namatay.
Sinabi ni Dr. Beverly Ho ng DOH na posibleng dumami pa ang bilang ng recoveries sa mga susunod na araw.
“Our data on recovery currently reflects only those who did the repeat tests. Kasama (sa) mga naitalang nag-recover ay mga pasyenteng na-confine at mga pasyenteng positive (na) mild and asymptomatic na naka-recover mula sa kanilang self isolation at home quarantine.”
“Hindi pa dito kasama yung mga clinically recovered or yung mga pinayagan ng umuwi ng kanilang doktor, at inabisong mag-self quarantine na.”
“Recoveries range from an average of 13.5 days to as long as 33 days, which is more than a month already.”
Sa ngayon 5,660 pa rin ang total na bilang ng confirmed COVID-19 cases sa bansa.
Mula sa nasabing bilang, 75-percent ang mild cases, 9-percent ang mga asymptomatic o walang sintomas, habang parehong 1-percent ang mga severe at pasyenteng nasa kritikal na kondisyon.