-- Advertisements --

Kinalampag ng Department of Health (DOH) ang publiko matapos bumuhos ang holiday shoppers sa Divisoria, Maynila nitong weekend.

Ilang larawan ang lumabas online kung saan hindi na nasunod ang minimum health standard na physical distancing at pagsusuot ng face mask at face shield sa mga tindahan at ilang establisyemento ng lugar.

“Bagamat sabik na tayong magpunta sa mga mall, mamili ng pang-Pasko natin, alalahanin natin na nandyan pa rin ang virus at ang virus nahahawa kapag nandoon kayo sa mga lugar na siksikan,” ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

Paliwanag ng opisyal, mataas ang tsansa na mawalan ng bisa ang face mask at face shield kapag nasa lugar na siksikan ang mga tao. Kaya mahalaga umano na sundin ang paalala ng health experts pagdating sa tamang protocol kapag nasa pampublikong lugar.

“Kahit kayo naka-mask at face shield pero kung kayo ay pupunta sa mataong lugar na halos dikit-dikit kayo, maaari pa rin kayong mahawa. The risk is there, very high.”

Payo ni Usec. Vergeire, maghanap muna ng ilang alternatibo para makabili ng ipamimigay na Aguinaldo kung hindi kinakailangan talagang mamili ng pang-regalo.

Pero kung si Manila Mayor Isko Moreno raw ang tatanungin, bubuksan pa rin niya ang Divisoria sa mga mamimili. Ang hamon lang ay dapat daw sundin ng mga pupunta ang minimum health standards, kasabay ng mahigpit na monitoring na gagawin ng lokal na pamahalaan.

“Don’t get us wrong… ang pakiusap lang namin huwag kayo magsisiksikan. Totodasin kayo ng COVID-19, baka gusto niyong makatipid at nagpabaya kayo, milyon naman ang gagastusin niyo kapag nagka-COVID. Hindi pa sigurado kung kayo ay makakaligtas,” ayon sa alkalde.

“Magsisikap naman kami, hindi kami titigil.”

Nitong Lunes ng umaga, sinuyod ng COVID-19 marshalls ng Manila Traffic and Parking Bureau ang ilang kalsada sa Divisoria para paalalahanan ang mga mamimili na sumunod sa health protocol.

Batay sa COVID-19 data tracker ng DOH, umaabot na sa 24,554 ang bilang ng coronavirus sa Lungsod ng Maynila.

Ang 1,131 sa kanila ay patay na, pero 22,913 naman ang gumaling na.