-- Advertisements --

MANILA – Pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang mga ospital na dapat pa rin makatanggap ng sahod at benepisyo ang kanilang healthcare workers kahit sumailalim sila quarantine.

Pahayag ito ng ahensya sa gitna ng mga ulat na may ilang medical frontliners ang hindi nabayaran ng sahod at hazard pay dahil nag-quarantine sila matapos ma-expose sa COVID-19 case.

“Hindi dapat yan mangyari. Within our protocols, and DOH-DBM joint circular that was issued, sinabi dito na ang mga healthcare workers to undergo quarantine because of being exposed should still receive their benefits,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

“Itong quarantine (ng healthcare workers) ay kino-consider natin as paid time for work.”

Bukod dito, may report din daw tungkol sa mababang special risk allowance na natanggap ng isang staff nurse para sa loob ng tatlong buwan na serbisyo.

“Gusto namin malaman pano na-compute ng facility. Kapag ba nag-quarantine, tinanggal ba nila? Pati nung nag-leave?”

Mula nang pumutok ang COVID-19 pandemic, nakapag-hire na raw ng 8,570 healthcare workers ang pamahalaan sa ilalim health human resources program.

Higit na ito sa kalahati ng aprubadong 10,568 slots ng Department of Budget and Management.

“The challenge would still be the takers, yung mga gusto sumali at mag-trabaho sa gobyerno. Tuloy-tuloy yung pagha-hire natin.”

“Aside from this, our hospitals were given funds so that they can also high from their units.”

Batay sa datos ng DOH, as of April 26, aabot na sa 17,377 healthcare wiorkers ang tinamaan ng COVID-19 sa bansa.

Mula sa kanila 88 na ang namatay, at 17,102 na ang gumaling.