Nilinaw ng Department of Health (DOH) na mga health care workers pa rin ang mangunguna sa gagawing “Oplan Kalinga” sa mga COVID-19 cases na naka-home quarantine.
Pahayag ito ng DOH matapos ulanin ng batikos ang pahayag ni , Interior Secretary Eduardo Año, na nagsabing kasama ang mga pulis sa magba-bahay-bahay at magbibitbit sa confirmed cases patungo sa quarantine facilities.
“Kinlarify na ni Sec. Año sa kanyang press release na nilabas ngayong araw, ang mga local health workers o Barangay Health Emergency Response Teams (BHERTs) ang mangangasiwa at magli-lead sa Oplan Kalinga o pag-transfer ng ating COVID positive patients mula sa kanilang mga bahay papunta sa ating government quarantine facilities,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Paliwanag ng opisyal, isang health concern ang pagkakaroon ng contact sa confirmed cases kaya mga health workers ang dapat tumulong sa mga pasyente sa kanilang transition.
Samantala, ang mga pulis naman ay magsisilbi lang daw supporting role sa implementasyon ng programa.
“For our policy, may mga specific conditions na kailangan matupad bago makapag-safe home quarantine.”
Ang isang confirmed cases na mild o asymptomatic ay pinapayagang mag-home quarantine basta’t siya ay may sariling kwarto at palikuran sa bahay.
Kailangan din na walang kasamang buntis at matanda sa bahay ang isang confirmed case.
“Nirerekomenda namin na dumulog sa mga temporary treatment and monitoring facilities kung walang sapat na kakayanan sa bahay upang magkaroon ng safe quarantine at upang hindi na kumalat ang posibleng transmission na ito.”
Una nang sinabi ng DOH na isa ang hindi wastong pagsunod sa home quarantine protocols ng confirmed cases sa posibleng dahilan nang lumalang community transmission ng COVID-19 sa ilang lugar sa bansa.
Nitong araw pumalo na sa 58,850 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas.