Naghain ngayong araw ang grupong PDP-LABAN o Partido ng Demokratiko Pilipino Lakas ng Bayan ng petisyon sa Korte Suprema.
Kung saan kanilang inihain ang ‘Motion for Leave to File Supplemental Petition for Mandamus’ sa kataastaasang hukuman hinggil sa naganap na 2025 Midterms Elections.
Layon sa kanilang petisyon na utusan ng Korte Suprema ang Commission on Elections na isagawa ang pagkakaroon ng ‘manual recount’ ng mga boto sa pagkasenador.
Personal na inihain nina Atty. Israelito Torreon at ang natalong kumandidato bilang senador na si Atty. Jimmy Bondoc ang supplemental petition upang idulog na sa kataastaasang hukuman ang kanilang hinaing.
Anila’y ang hiling na manual re-count sa naging resulta ng botohan nitong eleksyon ay alinsunod sa Section 31 ng Republic Act 9369 kaugnay ng Sections 210, 234, 235 at 255 ng Omnibus Election Code.
Base sa dokumentong inihain, kanilang binigyang diin na kailangang isagawa ang manu-manong bilangan dahil sa umano’y naganap na iregularidad sa eleksyon ngayong taon.
Bunsod din ito anila sa alegasyong mga nawawalang boto, hindi tugmang resibo ng mga boto, at mga reklamo patungkol sa mga nagkaaberyang ACM o Automated Counting Machines.