-- Advertisements --

Bukas daw ang Department of Health (DOH) sa rekomendasyon na magkaroon ng vaccine czar sa panahon na magsimula nang dumating sa Pilipinas ang supply ng COVID-19 vaccines.

“If we are going to have vaccine czar, the DOH would very much welcome that,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

Ang pahayag ng ahensya ay kasunod ng panukala ni Senate President Pro-Tempore Ralph Recto na magkaroon ng appointed official na mamumuno sa pagpapatupad ng mga hakbang sa kaugnay ng pagbabakuna laban sa COVID-19.

“Naming the vaccine czar this early will also jumpstart the setting up of a ‘supply-to-syringe cold chain’ as the vaccines have to be moved and stored in freezing temperatures in a tropical country that lacks infrastructure for it,” ani Recto sa isang press statement.

Ayon kay Usec. Vergeire, napatunayan naman ng mga napiling czar sa ibang pandemic strategy na epektibo ang pagkakaroon ng opisyal tutok sa pagpapatupad ng mga kaugnay na hakbang.

“When we say that there is a vaccine czar, nakita naman natin kung paano mas napabilis ang mga ginagawa because there is a specific person overseeing and providing these guidelines sa mga strategies na mayroon tayo when it comes to existing czars that we have.”

Tiniyak naman ng opisyal na handa rin ang Health department sakaling hindi matuloy ang pagkakaroon ng vaccine czar. Ayon kay Vergeire, subok na ang DOH sa mga immunization program nito.

“Isa na ‘yan sa finest strategies ng DOH, ang pagbabakuna sa mga bata, matatanda, and even for mothers na binibigyan ng bakuna.”

“Kung hindi tayo magkakaroon ng czar, we will still undergo process that we usually have for vaccines implementation and distribution.”

Ilan sa mga inihahanda ng DOH ngayon ay ang proseso ng registration ng bakuna, storage o imbakan, at bilang ng mga tatanggap ng lunas sa COVID-19.

Noong Agosto nang mapiling bilang czar sa iba’t-ibang stratehiya ng pamahalaan kontra COVID-19 sina BCDA president Vince Dizon (testing), Baguio City Mayor Benjamin Magalong (contact tracing), DPWH Sec. Mark Villar (isolation), at DOH Usec. Leopoldo Vega (treatment).