Nakalinya na rin para sa posibilidad ng clinical trials sa Pilipinas ang COVID-19 vaccine na dinevelop sa ilalim ng partnership ng Indonesia at China.
Ayon sa Department of Health (DOH) hawak na ng vaccine expert panel ng estado ang confidentiality disclosure agreement (CDA) ng Sinovac Biotech, na isa sa mga dokumentong kailangan bago payagan mag-trials ang bakuna.
Dito kasi nakasaad ang resulta at pag-aaral sa unang dalawang level ng trials ng developed COVID-19 vaccine.
“They have already submitted and na-final na yung kanilang CDA at pinag-aaralan na ngayon ng ating expert panel,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Ang IP Biotech, Inc. dito sa bansa raw ang kausap ng Sinovac para sa kanilang target na trials. Sa ngayon patuloy pa rin umano ang negosasyon ng dalawang panig.
May limang ospital nang target sa implementasyon ng posibleng trial ng Sinovac vaccine. Kabilang dito ang Philippine General Hospital, San Lazaro Hospital, Manila Doctors Hospital, Research Institute for Tropical Medicine at Vicent Sotto Memorial Medical Center.
“Itong Sinovac ngayon nasa Phase 2 sya, but I think they’ve started already their Phase 3. And mayroon na ring ganitong isinasagawa sa ibang bansa.”
Nakipag-partner ang Bio Farma ng Indonesia sa Chinese biopharmaceutical company para mag-develop ng bakuna laban sa COVID-19.
Nakatanggap naman ng alok ang Pilipinas mula sa Indonesia para magkaroon din ng clinical trials dito sa bansa ang nasabing bakuna.
Bukod sa Sinovac vaccine, lumalakad na rin ang proseso ng clinical trial sa Pilipinas ng Sputnik V mula Russia, at mga bakunang isasali sa Solidarity Trial ng World Health Organization.