Itinanggi nang Department of Health (DOH) na kakulangan ng personal protective equipment (PPE) ang isa sa dahilan kung bakit dumami ang bilang ng healthcare workers na tinamaan ng COVID-19.
“I don’t think any doctor really would treat a patient without anything on, doon ako nagtataka sa balita na ‘yan,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Ayon sa opisyal, ilan sa mga infected na healthcare workers ay nahawaan ng COVID-19 habang sila ay nasa labas ng kanilang mga pinagta-trabahuang pasilidad.
Nitong Linggo nang aminin ng pamunuan ng Research Institute for Tropical Medicine na may higit 40 empleyado nito ang positibo sa sakit.
Ang unang kaso raw ay nahawaan sa pamamagitan ng community transmission at hindi galing sa loob ng RITM.
“Kalaunan, nakita natin na it’s not really PPE-related. It’s something like when they go home and they go back to work and they get infections outside of workplaces,” ani Vergeire.
Sa inilabas na datos kahapon ng DOH may 1,062 healthcare workers na infected ng COVID-19.
Ang 26 daw sa mga ito ay binawian ng buhay.
Aminado si Usec. Vergeire na hindi tulad sa ibang bansa, ang healthcare workers na COVID-19 frontliners sa Pilipinas ay walang accommodation at umuuwi pa sa kanilang mga bahay.
“Nagstart yan doon sa pagdami ng ating mga kaso na the doctors or the medical workers were unaware na this patient has exposure pala or history, so they got the disease.”
Una ng nagpahayag ng pagkabahala ang World Health Organization (WHO) sa sitwasyon ng Pinoy healthcare workers na tinamaan ng COVID-19.
Mas mataas daw kasi ng apat na beses ang bilang ng infected healthcare frontliners ng bansa mula sa average ng Western Pacific region.