Mahigit 10 kagawaran ang posibleng mabawasan ang pondo sa susunod na taon.
Ito ay sa kabila ng pagtaas ng 12 percent sa P4.1 trillion proposed 2020 national budget, kompara sa P3.66 trillion budget ngayong 2019.
Kabilang dito ang Department of Health (DOH), Department of Trade and Industry, Department of Labor and Employment (DOLE), at Department of Information and Communications Technology.
Mismong ang Department of Budget and Management na nagsumite ng National Expenditure Program kamakailan sa Kamara, ang may pinakamalaking ibinabang pondo.
Tanging P2.33 billion lamang kasi ang hinihinging pondo ng DBM para sa susunod na taon, o mas mababa ng 35.96 percent sa P3.64 billion approved 2019 budget nito.
Pumapangalawa ang Office of the Ombudsman na pinaglalaanan lamang ng P3.15 billion o 32.99 percent na mas mababa kompara sa budget nito ngayong taon na P4.7 billion.
Samantala, mahigit doble ang itinaas ng inilalaang pondo para sa Department of Transportation sa susunod na taon kung saan mula sa P69.4 billion ngayong 2019, tataas ito ng 111.8 percent sa P147 billion.
Noong nakaraang taon, nagkaroon na rin ng mga budget cuts sa proposed 2019 national budget na ayon sa DBM ay resulta ng pagpapalit ng budgeting system mula sa obligations-based patungong cash-based budgeting system.