-- Advertisements --

Nagpaliwanag ang Department of Health (DOH) tungkol sa polisiya ng gobyerno na hindi sakop ng COVID-19 testing ang mga asymptomatic na walang exposure sa confirmed cases.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, 85-percent nang transmission ng naturang sakit ay mula sa mga symptomatic o may sintomas na indibidwal.

Ito raw ang posisyon at ipinaglalaban ng DOH kontra sa mga kritiko at nananawagan ng mass testing dahil posibleng magdulot ito ng “false sense of security.”

“Kahit po RT-PCR (Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction) ang gamitin, it would still miss one third of the time. Hindi rin siya perfect. Hindi sila 100 percent. Kaya kung i-tetest ang asymptomatic, it is not cost effective and it is not rational,” ani Vergeire sa isang web forum.

Dagdag pa ng opisyal, hindi makakatulong sa target naa 30,000 tests per day ng gobyerno kung isasama sa testing ang mga asymptomatic na walang exposure sa mga pasyente ng COVID-19.

“Kung ite-test natin iyong asymptomatic ngayon, bukas, the person could have a different set of exposure. Do we retake it again? That is not cost effective.”

Binigyang diin ni Vergeire na expanded testing ang ginagawa ngayon ng gobyerno.

Sa huling tala ng DOH, may 31 laboratoryo na sa bansa ang na-certify bilang COVID-19 testing facility.