-- Advertisements --

Isinisi ng Department of Health (DOH) sa kakulangan ng warehouse facilities ang delayed na distribusyon ng higit P350-milyong halaga ng gamot na nasayang dahil malapit ng mag-expire.

Sa isang panayam sinabi ni Health Sec. Francisco Duque III na malaking hamon ang pagpili ng specialized warehouse facilities dahil idinadaan pa ito sa proseso ng bidding.

Hindi naman maaaring mag-imbak ng basta ang ahensya ng mga gamot sa hindi angkop na pasilidad.

Ayon kay Duque, nakaapekto rin sa siksikan ng mga gamot sa existing warehouse facilities ang desisyon noon ng Supreme Court kontra distribusyon ng birth control pills.

Nauna ng nilinaw ng DOH na naibahagi na nila ang 80-porsyento ng naturang halaga ng mga gamot.

Patuloy naman daw na inaalam ng tanggapan kung sinong opisyal ang mananagot kaugnay ng issue.

Kung maaalala, pinuna ng Commission on Audit ang DOH matapos mabatid na delay na nai-distribute ang nasabing halaga ng mga gamot kung saan halos lahat umano nito ay malapit ng mag-expire.