Naniniwala ang Department of Health (DOH) na bumubuti na ang sitwasyon ng COVID-19 sa loob ng jail facilities sa bansa.
“If you compare from the previous, it has improved kasi nakita natin nung nagsimula ang mga kaso sa Cebu, ang unang-una na na-determine natin na cluster ay from jail,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Nakapagtala pa ang ahensya ng isang bagong cluster ng COVID-19 sa mga jail centers, pero paliwanag ng opisyal, ang mababang numero ay bunga ng pinaigting na enforcement at hakbang ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Ayon sa DOH, tinatawag na “cluster” ang mga lugar na may higit sa isang kaso ng COVID-19 tulad ng mga ospital, workplaces at komunidad.
“Nagkaroon ng protocol ang BJMP at nakita natin na maraming lumabas na cluster that they have tested, and sa ngayon isa na lang yung cluster na nakita natin among the different jails and prisons.”
Dagdag pa ng DOH spokesperson, nakatulong din ang assistance na ipinaabot ng ahensya sa jail officers para makapagpatupad ng mga panuntunan sa loob ng piitan.
Tinutulungan din umano ng Health department ang BJMP para sa testing ng mga persons deprived of liberty (PDL) at jail officials.
As of November 4, mayroon ang 1,925 confirmed COVID-19 cases sa 44 na jail facilities/detention centers sa bansa. Mula rito, 39 na ang namatay.
“All of these institutions are already been investigated, nakapagbigay na rin ng guidance and assistance yung regional office with regard to this newly discovered clusters sa jail na ito.”
Nakikipag-ugnayan na raw ang DOH sa BJMP nang maipatupad ang Department Memorandum na naglalaman ng guidelines para sa mga lugar na may maliliit na espasyo tulad ng mga kulungan.