-- Advertisements --

Nilinaw ng Department of Health (DOH) ang anunsyo nito hinggil sa ilang pribadong ospital sa Metro Manila na puno na ang kapasidad sa COVID-19 beds.

Kasunod ito ng pagkontra ng Private Hospitals Association of the Philippines, Inc. (PHAPI) sa report, na nagsabing hindi lahat ng 11 ospital na nabanggit ay overwhelmed na ang ICU beds.

“Hind naman natin sinabing na-overwhelmed diba, yung sa presser. Ang sinabi namin, na itong mga following hospitals na ito are nearing that point, or has reached that point na talagang nandoon na sila sa 100-percent use of their capacity na dine-dedicate nila for COVID (patients),” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

“When we talk about nearing capacity and what we also measure for the critical care utilization, this would be beds dedicated, or critical care resources dedicated for COVID (patients) and this is not the entire hospital.”

Batay sa tala ng DOH, nasa 43-percent pa ang kabuuang total ICU bed capacity ng mga ospital sa Metro Manila. 48-percent naman sa bed wards, at 41-percent sa isolation beds.

Aminado si Usec. Vergeire, na kahit may utos ang ahensya sa mga ospital na maglaan ng 30-percent bed capacity para sa COVID-19 patients, ay hindi naman lahat nakakasunod.

“Katulad ng isang ospital na maglalagay siya ng additional beds para ma-reach niya yung 30-percent, pero ang exchange doon mawawalan siya ng malaking parte ng ospital niya.”

Kinikilala naman daw ng DOH ang kalbaryong ito ng mga ospital, lalo na ng pribadong sektor, pero mismong si Sec. Francisco Duque na raw ang nagsabi na dapat gawan nila ito ng paraan.

“And if ever there is a surge o tumaas ang mga kaso, dapat mayroon pang room to expand to another 20-percent per surge capacity.”

Nitong Martes nang igiit ni Presidential spokesperson Harry Roque na sapat pa ang bed capacity para sa COVID-19 patients ng National Capital Region.

“Hindi po tayo nagkukulang ng mga hospital beds kung tayo po ay magkakasakit,” ani Roque.

Kabilang sa mga tinukoy na ospital ng DOH na nag-deklara na ng 100-percent utilization rate sa dedicated COVID-19 ICU beds:

-Veterans Memorial Medical Center
-UST hospital
-University of Perpetual Help
-Tondo Medical Center
-Seamen’s Hospital
-Philippine Children’s Medical Center
-Metro North Medical Center and Hospital
-Las Pinas Doctors Hospital
-De Los Santos Medical Center
-Chinese General Hospital and Medical Center
-Capitol Medical Center

Ang Lung Center of the Philippines naman ay nasa 97-percent; sa East Avenue Medical Center ay 89-percent; at 83-percent UE Ramon Magsaysay Memorial Medical Center.