-- Advertisements --

Inamin ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na clustered cases at community transmission ang dahilan ng mataas na kaso ng COVID-19 na naitala sa nakalipas na mga araw.

Sa isang panayam, nilinaw ni Vergeire na hindi na ito bunsod ng expanded testing na sinimulan ng gobyerno noong Abril.

Kaya naman dapat daw mas maging maingat ang publiko dahil mas evident o kapansin-pansin na ang pagkalat ng COVID-19 virus.

Sinabi rin ni Vergeire ang sitwasyon ng community transmission sa ilang lugar ngayon ay hindi na lang dahil sa pinalawak na testing, kundi bunsod ng pagkalat ng COVID-19 sa mismong mga komunidad.

Sa tulong ng local government units, ilang clustering of cases na ang mahigpit na mino-monitor ng DOH.

Nakausap na rin daw ng ahensya ang mga alkalde para bumalangkas ng panuntunan sa paghawak ng COVID-19 cases sa kani-kanilang mga lugar.

Nitong Lunes nang sabihin ni Usec. Vergeire na sa National Capital Region (NCR) pa lang ay mayroon nang 314 barangay na may clustering of cases, o higit sa dalawang kumpirmadong kaso ng sakit.

Sa Cebu City naman, mula sa 49 barangay noong Hunyo ay umakyat pa sa 64 barangay na may clustered cases.