-- Advertisements --

Hindi pa rin nauumpisahan ang clinical trials dito sa Pilipinas ng anti-flu drug na Avigan bilang posibleng treatment sa COVID-19.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, may mga delays pa rin sa ethics review  na ginagawa ng ilang ospital para sa trial ng nasabing gamot.

Mula sa apat na pagamutan na target paggawan ng trials, ang UP-Philippine General Hospital pa lang daw ang nakausad. Sa ngayon nire-review na raw ng ospital ang memorandum of understanding nito sa grupo na magsasagawa ng trials.

Nasa proseso naman ng ethics review ang Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital, Sta. Ana Hospital, at Quirino Memorial Medical Center.

Kapag natapos na ng mga ospital ang nasabing proseso, kailangan naman nilang maka-secure ng clinical trial agreement mula sa DOH na pirmado ni Health Sec. Francisco Duque.

Noong August 10 ang unang schedule ng Avigan trials, pero nalipat ito ng August 17 at September 1. Target gawin ang trials sa 100 pasyente sa loob ng siyam na buwan.

Kinumpirma naman ni Usec. Vergeire na nakatanggap ng 1,300 tablets ng nasabing gamot ang lungsod ng Maynila. Pero paglilinaw ng opisyal, “for compassionate use” nila ibinigay sa Sta. Ana Hospital ang Avigan at hindi para sa clinical trial.

Donated ng Japanese government ang Avigan na orihinal na dinisenyo bilang anti-flu drug.

INDEPENDENT VACCINE TRIALS NG CAVITE

Samantala, nagpaalala ang DOH sa provincial government ng Cavite kaugnay ng plano nitong clinical trials sa isang COVID-19 vaccine.

Ayon kay Usec. Vergeire, nakausap na nila ang proponent ng trials at sinabihan na kailangan muna nitong maka-secure ng approval mula sa Food and Drug Administration at ethics review board. Sa ngayon wala pa raw natatanggap na dokumento ang DOH mula sa proponent ng vaccine trials.

Sa isang panayam sinabi ni Cavite Gov. Jonvic Remulla na sa loob ng dalawang linggo ay magsisimula na ang kanilang trials sa isang posibleng bakuna laban sa COVID-19.

Ang De La Salle University Medical Center daw ang mangunguna sa nasabing clinical trials.

SPUTNIK V: APPROVED ‘FOR EMERGENCY USE’

HIindi pa rin daw nakakapagsimula ang Phase 3 trials ng Sputnik V sa Russia.

Nilinaw ni Usec. Vergeire na aprubado pa lang for emergency use sa healthcare workers ang nasabing bakuna na dinevelop ng Gamaleya Research Institute.

Hanggang ngayon ay hinihintay pa rin daw ng vaccine expert panel ng Pilipinas ang confidentiality disclosure agreement mula Rusia bago simulan ang trials ng Sputnik V.