Nilinaw ng Department of Health (DOH) na kailangan munang makapasa sa parehong review ng vaccine expert panel (VEP) at research ethics board ang clinical trial application ng isang COVID-19 vaccine bago makausad sa level ng Food and Drug Administration (FDA).
Pahayag ito ng ahensya matapos lumabas ang ulat na sinabi ng Department of Science and Technology (DOST) na pumasa na sa Single Joint Research Ethics Board (SJREB) ang aplikasyon ng kompanyang AstraZeneca.
“We have a pathway. Every applicant goes through this na ang una nilang step is the VEP, in parallel with the ethics review board,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire sa isang media forum noong Biyernes.
Paliwanag ng opisyal, magkaiba ang mga requirements na hinihingi ng dalawang review panel. Hindi umano ibig sabihin na pumasa na ang aplikasyon sa VEP o SJREB ay pwede na itong umusad sa FDA.
Naka-depende rin daw sa bilis ng pagtugon ng vaccine developers na nag-aapply, sa mga katanungan ng local review panel.
“Kahit magkasabay yung proseso ng ethics at vaccine panel, kapag doon sa isang proseso hindi siya makapag-comply doon sa mga pangangailangan hindi siya mag-aabante sa FDA na proseso.”
“It has to be approved ka ng vaccine expert panel at ethics review board for you to advance to the FDA process.”
Batay sa update ni Dr. Nina Gloriani, head ng DOST-VEP, ang bakunang gawa ng Clover Biopharmaceutical pa lang ang nakausad na at nasa level ng FDA review.
Ang aplikasyon naman ng Sinovac Biotech ay nasa antas pa ng SJREB. Habang ang AstraZeneca at Janssen Pharmaceutical application ay nasa review pa lang ng VEP.