Kinukumpirma ng Kagawaran ng Kalusugan Bicol na may naitalang isang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Brgy. Gabawan Evacuation Center, Daraga, Albay. Ito ay naireport noong June 18, 2023 matapos magpositibo sa ginawang Reverse Transcriptase Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) sa Bicol-South Luzon Sub National Reference Laboratory (BSL-SNRL). Ang nasabing pasyente ay isang 82 taong gulang na babae na nakaranas ng mga sintomas ng lagnat, ubo, at sipon na nagsimula noong June 14, 2023.
Nagpakonsulta ang nasabing pasyente sa Bicol Regional Hospital and Medical Center (BRHMC) kung saan binigyan siya ng gamot at nirekomenda ang agarang isolation at pagpapasailalim sa RT-PCR Test.
Kasalukuyang naka-isolate at ginagamot ang nasabing pasyente sa Anislag Infirmary, Daraga, Albay.
Ang Kagawaran ng Kalusugan Bicol ay nakikipagtulungan sa Provincial Government of Albay sa pangunguna ni Governor Edcel Grex Lagman, Lokal na Gobyerno ng Daraga, sa pangunguna ni Mayor Carlwyn Baldo at mga health partners sa agarang pagsagawa ng contact tracing. Mayroong kinilalang tatlumpung (30) close contacts. Lahat ng mga close contacts ay naka-quarantine at natapos nang iswab ngayong araw, Hunyo 19, 2023.
Ang mga swab specimen ay ipapadala na sa BSL-SNRL at isasailalim sa RT-PCR testing.
Patuloy na hinihikayat ang publiko, kabilang na ang mga nasa evacuation centers, na sundin ang BIDA Solusyon Plus. Ugaliin ang pagsuot ng face mask lalo na sa matatao at kulob na lugar. Ugaliin din ang tama at madalas na paghuhugas ng kamay at paggamit ng sabon at malinis na tubig, o kaya ay 70% alcohol-based sanitizer.
Dumistansiya ng isang metro at alamin ang mga tamang impormasyon upang maiwasan ang hawaan ng COVID-19 at iba pang nakakahawang sakit.
Kung nakararanas ng flu-like symptoms tulad ng lagnat, ubo, sipon, sore throat at iba pa, magpakonsulta agad sa health care worker na nakatalaga sa inyong lugar.
Hinihikayat rin ang publiko lalo na ang mga nasa evacuation center na magpabakuna at magpa-booster upang mapalakas ang proteksyon laban sa COVID-19. Ang pagpapabakuna at pagpapabooster ay napatunayang mabisang paraan upang maiwasan ang malubha at kritikal na sintomas ng COVID-19, pagkaka-ospital, at kamatayan dulot ng naturang sakit.
Ang tuluyan na pagsugpo ng COVID-19 ay nakasalalay sa bawat indibidwal. Sa pamamagitan ng pagpapabakuna at pagsunod sa minimum public health standards, maiiwasan ang paglaganap hindi lamang ng COVID-19 kundi pati na rin ng ibang nakakahawang sakit.