-- Advertisements --
VERGEIRE 11062020
IMAGE | DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire

Sa pinakabagong report ng mga eksperto ng OCTA Research Team, inirekomenda nila sa pamahalaan na bigyan ng access sa COVID-19 testing ang mga nasalanta ng bagyo, na nasa evacuation centers.

Iminungkahi rin ng researchers ang mas mahigpit na contact tracing at isolation sa bawat pamilya. Ang mga local government units naman, dapat daw tiyakin na nakakapag-patupad ng stratehiya para hindi kumalat ang coronavirus sa evacuation centers.

“Given the reality that more typhoons are set to visit the country in the coming weeks, we suggest that LGUs seriously consider improving their current evacuation strategies and plans to prevent further viral transmissions during a disaster by ensuring that minimum health standards are followed in evacuation centers apart from the provision of adequate and accessible testing, effective contact tracing and supportive isolation facilities to families stranded in these facilities.”

Ayon sa Department of Health (DOH) isa ang antigen test sa maaaring gamitin na testing strategy sa evacuation centers dahil hindi kasing komplikado ng RT-PCR test ang proseso nito.

Pinaka-epektibo raw itong maglabas ng resulta sa loob ng limang mula nang unang makaramdam ng sintomas ang indibidwal.

Kailangan lang matiyak na masusunod ng local health workers ang protocol sa pagkuha ng specimen at proseso ng testing.

“Most of the antigen test now in the market are ‘point of care test.’ Ibig sabihin ito ay pwedeng gawin kahit hindi sa isang biosafety laboratory, so pwedeng sa evacuation area. Mag-set lang ng clinic doon.”

“Ang ating ipa-prioritize sa paggamit ng antigen test would be those with symptoms.”

Sa listahan ng Food and Drug Administration, higit 20 brand ng antigen test ang aprubado para sa testing ng COVID-19.

Pero pinag-aaralan pa rin ng pamahalaan kung talagang epektibo nga itong gamitin na pang-detect ng coronavirus.

Sa ginawa kasing evaluation ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa South Korean brand na SD Biosensor Antigen Test Kit, hindi pumasa sa standard ng WHO ang sensitivity nito sa virus.

“Ang dapat yung kanyang diagnostic performance should be ang sensitivity niya at least 80%, specificity 90%. Base sa pag-aaral ng RITM, lumabas na ang SD Biosensor at 71% sensitivity and 100% specificity.”

Paliwanag ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire, aprubado ng Health Technology Assessment Council (HTAC) ang paggamit ng antigen test.

Sang-ayon daw dito ang local validation study o pag-aaral na ginawa ng Baguio City.

Kung saan ginamit ang antigen test sa mga symptomatic at asymptomatic na close contacts at mga biyaherong papasok ng lungsod.

“Itong mga local validation studies ng Baguio City ay nakapag-bigay ng suporta doon sa sinasabi ng HTAC na ang antigen should be used to those symptomatic contacts, especially in outbreak situations.”

“Ibig sabihin, yung mga rekomendasyon natin kung paano talaga gagamitin ang antigen test yun ang dapat isulong dahil sa validation.”

Paalala ng DOH sa mga LGU, siguraduhin na may nakatalagang health and safety officer sa evacuation centers para matiyak na nasusunod ang health protocols at maiwasan ang paglobo mula ng COVID-19 cases sa bansa.