Todo paliwanag ang Department of Health (DOH) hinggil sa epekto ng African swine fever matapos ipatigil at ipa-recall ng Department of Agriculture (DA) ang importasyon ng ilang imported meat products.
Ayon kay DOH Asec. Eric Tayag, walang dapat ikabahala ang publiko dahil hindi naman makakaapekto sa tao ang naturang sakit ng baboy.
Inihayag din nito ang pagsuporta ng kagawaran sa hakbang ng DA at Food and Drug Administration (FDA) para hindi makaapekto sa local hog industry ng bansa.
Sa panayam naman ng Bombo Radyo ipinaliwanag ni Dr. Joy Lagayan, tagapagsalita ng Bureau of Animal Industry kung paano nakukuha ng baboy ang sakit.
Nauna ng naglabas ang FDA ng listahan ng mga bansang ipinapa-ban sa pagi-import ng karne ng baboy sa Pilipinas.
Kabilang dito ang mga estado ng China, Vietnam, South Africa, Belgium at Cambodia.
Itinuturing ng World Health Organization na highly contagious hemorrhagic disease sa mga baboy ang African swine fever.