Higit 400 pang pasyente ng COVID-19 sa Pilipinas ang pinag-aaralan ngayon sa ilalim ng World Health Organization (WHO) Solidarity Therapeutic Trials — clinical trial sa mga posibleng supplement drug laban sa coronavirus disease.
Ayon sa Department of Health, may 438 COVID-19 patients pa na kasalukuyang naka-enroll sa nasabing pag-aaral. Ihininto kasi ng WHO ang clinical trial sa ibang gamot matapos matukoy na hindi naman sila nakatulong sa pagpapagaling ng mga pasyente.
“(For) remdesivir we have 438 participants, and for the local standard of care we have 477. Mayroon tayong mga napaunang gamot na itinigil natin,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Kabilang sa tinukoy ng opisyal ay ang mga gamot na lopinavir/ritonavir, kung saan may na-enroll na 85 pasyente; hydroxychloroquine, 66; at interferon beta-1a, 171.
“All (trials) of these three drugs were stopped, and tinigil natin yung recruitment. Ngayon yung WHO Solidarity Trial, yung remdesivir na lang yung natitirang arm.”
Sinisikap naman daw ng institusyon na maghanap pa ng ibang uri ng gamot at “off-labeled” drugs para madagdag sa listahan ng mga pag-aaralan para makatulong na masolusyunan ang impeksyon sa COVID-19.
Bukod sa Therapeutic Trials, nakatakda ring magsagawa ng Solidarity Vaccine Trials ang WHO sa Pilipinas sa Enero ng 2021.