Pursigido ang Department of Health (DOH) na mapababa pa ang utilization rate ng COVID-19 patients sa mga ospital.
Sa isang panayam sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire, na target ng ahensya na paabutin na lang ng 30% o mas mababa pa ang bilang ng mga pasyente ng coronavirus na naka-admit sa critical care facilities.
Maaabot lang daw ng gobyerno ang target sa pamamagitan ng expansion sa COVID-19 units ng mga ospital, na sa ngayon patuloy pa rin daw na ginagawa ng mga pagamutan.
Sa ilalim ng One Hospital Command, inatasan ang public hospitals na maglaan ng 30% ng kanilang mga kama para sa COVID-19 patients. Sa private hospitals naman, dapat 20%. Ang utos na ito ay halos nasusunod naman daw ng health facilities.
As September 28, 47% pa ng total na 2,000 ICU beds sa buong bansa ang okupado. Mula naman sa 15,000 isolation beds ay 41% ang utilized. 45% ng 6,000 ward beds naman ang may pasyente. At 24% lang ng 2,000 mechanical ventilators ang ginagamit.
Dito sa National Capital Region, na siyang epicenter ng COVID-19, 58% ang occupancy sa ICU beds; 51% sa isolation beds; 56% sa ward beds; at 31% sa mechanical ventilators.
Ang utilization rate naman sa mga temporary treatment and monitoring facilities (TTMFs) sa buong bansa ay nasa 37% as of September 23.
Sa data ng DOH, nasa 166,934 ang total ng mga kama sa lahat ng TTMFs. Pinakamarami ang allocated sa Region 8 na nasa halos 30,000. Pero National Capital Region ay may pinakamataas na utilization sa ngayon na nasa 50%. Sinundan ng Region 10 sa 49% at Region 5 na nasa 48%.
Ang Cordillera region at Calabarzon naman ay bigo raw na maabot ang target na 1 kama para sa kanilang buong populasyon.
Sa mga MEGA-TTMFs o mas malalaking treatment and monitoring facilities, dalawa mula sa 20 pasilidad ang malapit ng mapuno: ang Philippine Arena Tent at Alona Sports Arena.
Nasa high risk naman ang utilization sa NCC National Government Administrative Cente North Wing, habang moderate risk ang utilization sa Filinvest, Rizal Memorial Stadium, ASEAN Convention Center at Athlete’s Village.
Sa kabila nito, nananatiling nasa low risk na 42% ang kabuuang utilization rate ng MEGA-temporary treatment and monitoring facilites.