-- Advertisements --
image 138

Nagsasagawa ng pagsusuri ang gobyerno ng Pilipinas sa posibleng karagdagang pagpapalawig ng bawas na taripa sa baboy, mais, bigas at karbon.

Ayon kay DOF Sec. Benjamin Diokno, magkakaroon ng pagpupulong sa darating na buwan ng Setyembre kung kailangan i-extend sa lahat ng commodities.

Una nang nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Executive Order No. 10 sa huling bahagi ng nakaraang taon na nagpapalawig sa pansamantalang pagbabago ng mga rate ng import duty sa iba’t ibang produkto kabilang ang karne, mais at bigas sa hangaring mapanatili ang abot-kayang presyo at dagdagan ang suplay ng mga produktong pang-agrikultura sa bansa.

Pinalawig ng EO No. 10 ang pinababang rate ng Most Favored Nation (MFN) sa karne ng baboy sa 15% in-quota at 25% out-quota; mais sa 5 % in-quota at 15%out-quota; bigas sa 35%in-quota at out-quota; at karbon sa zero duty hanggang sa katapusan ng taong ito.

Sinabi ni Finance Undersecretary Zeno Ronald Abenoja na sinimulan na ng Inter-Agency Committee on Inflation and Market Outlook (IAC-IMO) ang komprehensibong pagsusuri sa nasabing mga kalakal.

Nilinaw niya gayunpaman na habang ang komprehensibong pagsusuri ay sumasaklaw sa parehong pagkain at non-food items na pinagmumulan ng inflation, ang extension ay sumasaklaw lamang sa bigas, mais, baboy, at karbon.

Iginiit ni Abenoja na ang DOF ay nakikilahok din sa comprehensive tariff review program (CTRP) na kasalukuyang isinasagawa ng Tariff Commission.