-- Advertisements --

Nilinaw ng Department of Finance (DOF) na may basbas ng Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA) ang panukalang ban sa mga hindi otorisadong pagbebenta online ng alak, sigarilyo at iba pang “sin” products.

Ayon sa Finance department, nakasaad sa inilabas na joint statement ang DOH at FDA ang pangakong pakikipag-ugnayan sa Department of Trade and Industry at iba pang ahensya ng pamahalaan.

Ito’y para makabuo sila ng komprehensibong framework na maglilimita lang ng online selling sa mga lehitimo at rehistradong sellers.

Sakop din daw nito ang safeguards na magbibigay proteksyon sa mga vulnerable age groups.

Bukod sa alak at sigarilyo, suportado ng Health department at FDA ang pagbabawal sa online selling ng electronic cigarettes at iba pang bagong uri ng tobacco products.

“The Philippines has come a long way in safeguarding the public from the dangers of tobacco and alcohol consumption through its taxation policies and stringent regulatory measures. With wider and easier access to ‘sin’ products through technology, regulatory purview should be expanded to ensure that online selling is similarly covered,” ayon sa joint statement.

Binigyang diin ng mga ahensya na dapat iwasan ng publiko ang paggamit sa mga produktong nagdudulot ng mas mataas na tsansang mahawa sa COVID-19.

“The DOH and FDA further stress that now is the time to quit and for the youth not to take up this habit.”

Paliwanag ng Health agencies, mahalaga ang consumer safeguards tulad ng pagpaparehistro ng mga sellers, kalidad ng produkto at safety mechanisms ng “sin” products para hindi ito tangkilikin ng kabataan.

Ang naturang panukala ng Finance department ay bunga umano nang pagkakadiskubre ni Sec. Carlos Dominguez sa mga ibinebentang alak at sigarilyo ng ilang digital commerce platforms.