Umaasa ang Department of Finance (DOF) na makakapag-ambag ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) ng hanggang P32.57 billion sa susunod na taon.
Ang nasabing projection ay halos doble sa kasalukuyang target ng PAGCOR na P15.03 Billion.
Ginawa ng Finance department ang nasabing projection, kasunod ng magandang record ng PAGCOR sa kasalukuyang taon, pagkatapos na rin ng ilang taong pandemiya.
Sa unang kalahating bahagi pa lamang kasi ng 2023, nalagpasan na ng PAGCOR ang isang taon nitong target at naka-kolekta na ng P16billion.
Ayon sa Department of Finance, tiyak na lalo pang tataas ang kikitain ng PAGCOR sa susunod na mga taon, habang nasa momentum ito ng pagbangon mula sa labis na epekto ng nakalipas na pandemiya.
Gayonpaman, naniniwala naman ang nasabing Kagawaran na hindi pa maaabot ng PAGCOR ang pre-pandemic level sa kikitain nito pagsapit ng 2024.
Ang target na P32.57 Billion kasi ay mananatiling mas mababa kumpara sa P35.46 billion na naging koleksyon nito noong 2019, o bago nagsimula ang Pandemiya.