Tiniyak ng Department of Energy (DOE) na sapat na supply ng kuryente sa lokal na botohan sa kabila ng dalawang yellow alert ngayong linggo at sa linggo ng BSKE.
Sinabi ng DOE na ang lahat ng mga hakbang ay nakahanda na upang maiwasan ang anumang unscheduled na pagkawala ng kuryente na maaaring makagambala sa lokal na halalan.
Ayon kay DOE Secretary Raphael Lotilla, ang mga energy stakeholder ay nagsagawa ng mga kinakailangang paghahanda upang matiyak na magkakaroon ng sapat na suplay ng kuryente bago, habang, at pagkatapos ng halalan.
Aniya, ang Energy Task Force Election ay nakipag-ugnayan sa mga generating companies at sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) upang matiyak ang pagkakaroon ng mga generating units upang matugunan ang pangangailangan at kinakailangang reserba sa panahon ng BSKE.
Mahigpit na ipatutupad ang suspensyon ng preventive maintenance at testing ng mga generating units isang linggo bago at pagkatapos ng halalan.
Sinabi ng DOE na ang Luzon grid ay may buffer na hindi bababa sa 700 megawatts (MW) ng kuryente sa susunod na linggo.
Dagdag dtio, ang pagtataya ng DOE na ang demand sa Luzon sa linggo ng halalan ay nasa 12,257 MW, mas mataas kaysa sa kasalukuyang demand na 10,500 hanggang 11,500 MW.
Ang pinakabagong available na data mula sa NGCP ay nagpakita na ang available generating capacity ng Luzon grid ay nasa 14,100 MW.