MANILA – Inamin ng Department of Energy (DOE) na sumadsad na sa “negative” ang estado ng supply ng kuryente sa Luzon grid.
“Nakakalungkot ibalita na hindi na lang siya manipis, kundi negative na,” ani Energy Usec. Felix William Fuentebella.
Ayon sa opisyal, umaabot sa negatibo ang estado ng power supply kapag mas marami nang gumagamit ng kuryente, at kaunti na lang ang nagbibigay ng generator bilang dagdag na pwersa.
Sa ikatlong sunod na araw, nagpatupad ng yellow at red alert ang National Grid Corporation of the Philippines sa ilang bahagi ng Luzon.
Kaya inaasahan ang rotational brownout sa mga lugar na sini-serbisyuhan ng distribution utilities na nakakabit sa NGCP.
Ayon sa Energy department, malaki pa rin ang epekto ng mga nasira at biglang tumirik na power plant sa estado ng Luzon grid.
“(Sa ngayon) negative na tayo ng lampas 200-megawatts.”
Gayunpaman, kailangan daw magpatupad ng “manual load dropping” o rotational brownout para mapanatili ang integridad ng power system.
Inakyat na ng DOE sa ilang regulating agencies, tulad ng Energy Regulatory Commission ang sitwasyon.
“Binabantayan natin ang system operator (NGCP) dahil hinahanap parati ni Sec. (Alfonso) Cusi kung nasaan ang reserba.”