Pinangangambahan ng Department of Energy ang pagsirit ng preyo ng mga produktong petrolyo dahil sa kaguluhan sa Israel.
Ayon kay Oil Industry Management Bureau assistant director Rodela Romero, maaaring maging mitsa ang kaguluhan sa Israel sa panibagong serye ng pagtaas sa presyo ng petrolyo sa pandaigdigang merkado.
Bagaman sa ngayon aniya ay hindi inaasahan ng DOE ang labis na epekto ng naturang kaguluhan sa presyo ng petrolyo, kung lalo pang humaba ang giyera ay tiyak namang magdudulot ng malaking epekto sa presyuhan nito sa pandaigdigang merkado.
Sa kasalukuyan, hindi umaangkat ang Pilipinas ng produktong petrolyo sa Israel ngunit ang pagpasok ng Iran sa naturang kaguluhan ang pinangangambahang magdudulot ng malawakang epekto sa global oil price.
Ayon kay ROmero, naitala na ang pagtaas sa presyo ng petrolyo sa international market mula $3 hanggang $4 noong araw ng Lunes ngunit hindi naman ito inaasahang agad na magpapakita sa local prices sa Pilipinas.
Sa ngayon, malaking problema rin aniya ang projection ng mga eksperto na posibleng deficit o kakulangan ng supply ng produktong petrolyo hanggang sa katapusan ng taon.