-- Advertisements --

Nilinaw ng Department of Energy (DOE) na walang nang-impluwensya sa pamahalaan para mag-desisyon na alisin ang matagal nang ipinatupad na moratorium o suspensyon sa oil exploration activities sa West Philippine Sea (WPS).

Pahayag ito ng ahensya matapos aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanilang rekomendasyon na payagan na muli ang exploration activities sa enerhiya ng iba’t-ibang kompanya sa nasabing bahagi ng karagatan.

Ayon kay Energy Sec. Alfonso Cusi, hindi naman maaapektuhan ng lifting ng moratorium ang existing na kasunduan ng Pilipinas at China.

Katunayan, malaking tulong pa raw ang approval ng pangulo dahil hahakot ng mas maraming investors ang pagbubukas muli ng bansa sa mga service contractors at magbibigay ng karagdagang trabaho sa mga nangangailangan nating kababayan.

“That (lifting) will support the joint development because that will pave the way also for those interest of companies to joint the licensees, to participate in exploration activities.”

“It will help prime up our economy, generating investments at the West Philippine Sea in exploring.”

Paliwanag ng kalihim, maraming komplikasyon kaya hindi agad na-lift ang moratorium sa mga unang taon ng administrasyong Duterte.

TERRITORIAL DISPUTE SA WEST PHILIPPINE SEA

Magugunitang lumagda sa isang kasunduan noong 2018 sina Pangulong Duterte at Chinese President Xi Jinping na naglalaman ng interes ng Beijing na makihati sa natural resources na makukuha sa West Philippine Sea.

“Walang problema yon doon sa joint development, yung MOU (memorandum of understanding) that we signed with China on how we can develop the resources.”

“Part ito ng aspiration ng ating bansa to have energy independence and security so kailangan natin i-tap yung natural, indigenous resources natin. This is a concrete step by the government in securing energy security in the country.”

Nilinaw din ng Energy secretary na hindi makakaapekto ang pagluluwag ng estado sa oil exploration sa pakikipaglaban ng bansa sa soberanya nito sa teritoryo.

Matagal nang may hidwaan ang Pilipinas at China dahil sa pag-aagawan sa naturang bahagi ng karagatan. Pero noong 2016 nang katigan ng Permanent Court of Arbitration ang Pilipinas at igiit ang eksklusibong karapatan nito sa West Philippine Sea.

Bukod sa China, ilang karatig na bansa rin tulad ng Vietnam ang nakikiagaw sa teritoryo na pinaniniwalaang mayaman sa natural resources.

Una nang naglabas ang DOE ng return-to-work notice para sa mga service contractors na naapektuhan ng moratorium nang ipatupad ito noong 2014.

Ayon kay Sec. Cusi, naka-depende sa mga kompanya kung kailan nila sisimulan ang pagbabalik operasyon. Nilinaw ng kalihim na walang magiging adjustment at kailangang matapos sa itinakdang panahon ng kontrata ang kanilang exploration activity.

Tiniyak din ng Energy chief na ligtas na makakabalik ng operasyon ang service contractors at hindi makakaranas ng harassment dahil mismong Chinese Foreign Minister daw ang nangako na pananatilihin ang kapayapaan sa West Philippine Sea.

“Hindi na tayo dedepende sa pag-angkat sa ibang bansa. Kung dito na sa atin, ang tendency bababa (ang singil sa kuryente) pero medyo mahaba-haba pang usapan yan sa ganyang bagay. But it gives us hope to the Filipino people that eventually we will have that energy independence and security and a more affordable energy.”