Nakikipag-ugnayan na ang Department of Energy (DOE) sa Department of Finance (DOF) sa mungkahi nilang suspendihin ang excise tax na ipinapataw sa langis.
Sinabi ito ni Energy Secretary Alfonso Cusi matapos na hingian ng update sa isang panayam hinggil sa mga hakbang ng kagawaran kasunod ng serye ng price hikes sa mga produktong petrolyo kamakailan.
Ayon kay Cusi, isinusulong nilang maamiyendahan ang Oil Deregulation Law para mabigyan ng kapangyarihan ang DOE na masuspinde ang excise tax sa mga produktong petrolyo sa oras na lumagpas na sa itinatakdang lebel ang presyuhan.
Sa pagdinig ng House Committee on Energy kahapon, binatikos ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Isagani Zarate ang DOF dahil sa pagtutol nila sa suspension ng oil excise tax.
Nauna nang sinabi ni DOF Strategy, Economics, and Results Group Director Euvimil Nina Asuncion na tutol ang kagawaran sa ideyang ito dahil maaring magresulta ito sa napakalaking foregone revenues.
Nagbabala rin siya na sa oras na suspendihin ang pagpapataw ng excise tax sa mga produktong petrolyo ay maapektuhan ang pagbangon ng ekonomiya ng Pilipinas sa epekto ng pandemya.
Ayon sa DOF, aabot ng P131 billion sa 2022 ang mawawala sa kikitain ng pamahalaan kung magkakaroon ng naturang suspensyon.