-- Advertisements --

Nakaalerto ang Department of Energy (DOE) dahil sa pagtaas ng pandaigdigang presyo ng langis bunsod ng tensyon sa pagitan ng Israel at Iran.

Ayon kay DOE Officer-in-Charge Sharon Garin, nagsasagawa na sila ng mga hakbang upang matiyak ang sapat na suplay ng langis at mapagaan ang epekto ng pagtaas ng presyo sa ekonomiya at mamamayang Pilipino.

Nanawagan ang DOE sa mga kumpanya ng langis na isagawa ang staggered o unti-unting pagtataas ng presyo upang hindi masyadong mabigatan ang mga konsumer.

Handa rin ang pamahalaan na magbigay ng fuel subsidy sa mga sektor ng transportasyon at agrikultura kung lalampas sa $80 kada barrels ang presyo ng Dubai crude —na kasalukuyang nasa $73 kada barrels.

Nabatid na nakasaad sa 2025 national budget ang P2.5 billion pondo para sa mga tsuper ng pampublikong transportasyon at P585 million para sa mga magsasaka at mangingisda na maaapektuhan ng mataas na presyo ng langis.

Samantala patuloy na mino-monitor ng DOE ang sitwasyon upang makapagpatupad ng napapanahong hakbang na naayon sa datos ng pandaigdigang merkado ng enerhiya.