Bukas ang Department of Energy (DOE) sa pagtatayo ng bagong coal-fired power plants sa gitna ng krisis sa pandaigdigang suplay ng langis bunsod ng tensiyon sa Middle East.
Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, payag silang magkaroon ng naturang klase ng planta basta ito ay mas malinis na teknolohiya at mayroon ding nakalatag na transition plan para sa mas malinis na pagkukunan ng enerhiya.
Ginawa ng kalihim ang pahayag matapos ipanukala ni Department of Economy, Planing and Development Secretary Arsenio Balisacan ang pagtanggal sa anim na taong moratorium sa bagong coal-fired power plant para mapalakas ang energy security ng bansa sa gitna ng mataas na presyo pa rin ng mga langis.
Sa kabila naman ng umiiral na moratorium, inihayag ni Sec. Garin na nag-isyu na ang DOE noong nakalipas na taon ng isang circular para payagan ang mga coal plant para sa pansariling gamit, o kung mayroong krisis sa enerhiya o ibang sitwasyon na maggagarantiya sa paggamit nito.
Sa panahon aniya ng krisis, ang karbon ang nananatiling isa sa pinakamurang opsyon na mayroon ang bansa para sa suplay ng kuryente.
Bagamat, sinabi rin ng kalihim na kanilang pagaaralang maigi ang naturang panukala dahil ang problema ngayon ay ang diesel na siyang pinaka-kailangan ng sektor ng transportasyon, na matinding apektado ng krisis sa langis.
Ikinokonsidera rin ng Energy Department ang ibang opsyon na pagkukunan ng enerhiya kabilang ang renewable energy o nuclear energy.















