-- Advertisements --

Dumepensa ang Philippine College of Physicians (PCP) matapos sermonan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsasapubliko nila, kasama ang ilang medical groups, ng mga hinaing ukol sa COVID-19 response.

Sa isang liham ngayong araw, nilinaw ni PCP president Dr. Mario Panaligan na walang intensyon ang kanilang hanay na hiyain ang administrasyon at Inter-Agency Task Force.

“We were taken aback and surprised when you highlighted in your address to the nation last night that we are indispensable but not irreplaceable so we beg your indulgence and allow us to rectify this impression.”

Kung babalikan daw ang kanilang virtual conference noong Sabado, walang kahit sino mula sa mga nagsalitang medical professional ang nanawagan ng rebolusyon o nagbantang iwan na lang ang mga pasyente.

“By training and our reserved nature, the likes of us are not used to giving out demands or ultimatums but if our requests and observations were taken as an assertive display of indignation, we apologize for the way the message was taken in a negative light.”

Ayon kay Panaligan, matagal na silang nagpapadala ng sulat sa mga otoridad, partikular na sa DOH ukol sa iba’t-ibang apela.

Pero hindi raw sila nakatanggap ng tugon o kahit anong sagot mula sa kagawaran sa karamihan ng kanilang ipinadalang liham, maliban lang sa request noong Abril para paglaanan ng test kits ang pumapasok na health care workers.

Kabilang umano sa matagal na nilang hiningan ng aksyon ang pagkakaroon ng quarantine facility para sa health care workers, insurance coverage at proteksyon ng kanilang hanay mula sa karahasan.

“If we just knew that your office was not briefed in detail about the situation of our workers in both government and private hospitals, we would have sought a private audience with you to settle these issues and made known somehow.”

Sa kabila nito, nananatili naman daw ang kanilang hanay sa pagbibigay tulong medikal sa mga nangangailangang pasyente.

As of August 1, higit 5,000 health care workers na ang tinamaan ng COVID-19. Ang higit 4,500 sa kanila ay gumaling na, pero 38 ang namatay.

Sa kanyang public address kagabi, sinabi ng pangulo na hindi naman kinakalimutan ng gobyerno ang health care workers. Pero sana ay sumulat na lang ang mga ito sa Malacanang para ipaabot ang kanilang apela.

“Lahat naman ng mga gusto niyo sinusunod namin. You know, it’s the resources. Ang pera. May gusto kayong bilhin ko, ang problema ang bulsa ko butas na yung isa dahil we have suffered economically,” ani Duterte.

“Kung mag-rebolusyon kayo, you will give me a free ticket to stage a counter-revolution. How I wish you would do it.” 

Sa hiwalay namang pahayag nilinaw ni Philippine Medical Association president Dr. Jose Santiago na matibay pa rin ang kanilang ugnayan sa DOH at handa silang makipagtulungan sa mga gagawing hakbang ngayong MECQ.

Bukod sa hiling na striktong quarantine, inaprubahan din ni Pangulong Duterte ang pagbibigay ng P15,000 compensation sa mga health care workers na tinamaan ng COVID-19 kahit mild o asymptomatic.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, kabilang sa target nilang palakasin sa loob ng dalawang linggong MECQ ang contact tracing ng COVID-19 active cases.

“Itong dalawang linggo na hiningi ng ating mga kasama sa mga medical societies is not really to flatten the curve. Ito ay para magkaroon ng breather at makapag-reorganize and re-strategized tayo at mas mapaigting ang mga ginagawa natin.”