Pinag-iingat ni dating health secretary at House Deputy Majority Leader Janette Garin ang publiko laban sa sakit na Pertussis kaya pinayuhan na panatilihin ang proper hygiene, at magpabakuna.
Ang pahayag ni Garin ay kasunod ng Pertussis outbreak sa Quezon City kung saan apat na sanggol ang nasawi dahil sa impeksyon ng sakit.
Inihayag ni Quezon City Mayor Joy Belmonte mayroong Pertussis outbreak sa lungsod, isang contagious respiratory disease, at nakapagtala ng 23 kaso noong Marso 20.
Sinabi ni Garin na kabilang sa mga dahilan ng pagtaas ng mga kaso na ito ay ang pagbaba ng paggamit ng bilang nagpapabakuna dahil sa mga kumakalat na maling impormasyon.
Inihayag ng Lady solon na nakaka-alarma ang nasabing kaso subalit maiiwasan ang pagkalat ng sakit kung magpa bakuna at palagiang malinis ang katawan.
Sinabi ng mambabatas na isa sa sanhi ng sakit ay kakaunti na lamang ang nagpapa bakuna ng DPT (diphtheria, pertussis, tetanus).
Ayon sa World Health Organization (WHO), ang Pertussis ay isang nakakahawa na respiratory infection na dulot ng bacterium Bordetella na madaling kumakalat mula sa tao sa pamamagitan ng mga droplet na dulot ng pag-ubo o pagbahing at pinakamapanganib sa mga sanggol.
Kasama sa mga sintomas ang mild fever, runny nose, at ubo, na posibleng unti-unting nagiging isang hacking cough na sinusundan ng whooping.
Hinimok naman ng Department of Health (DOH) ang publiko na magpabakuna laban sa mga vaccine-preventable disease habang patuloy na tumataas ang kaso ng tigdas at pertussis.
Batay sa datos ng DOH, sa unang 10 linggo ng 2024, nakapagtala ang DOH ng 453 kaso ng Pertussis na mas mataas kaysa noong 2023 na may 23 kaso lamang sa parehong panahon.