-- Advertisements --
teodoro

Nababahala ngayon si Department of National Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa pag-apruba ng Kongreso sa Substitute Bill ng Military and Uniformed Personnel Pension System sa Kongreso.

Ang naturang panukala kasi ay nagtatakda ng mandatory contribution ng mga military personnel partikular na ang mga retiradong sundalong nakapagkumpleto na sa kanilang 20 taong pagseserbisyo.

Pagbibigay-diin ng kalihim, walang dapat na magbago sa pensyon at entitlement ng mga retiradong sundalo dahil ito na lamang aniya ang pinakasimpleng paraan ng pagkilala ng gobyerno sa kanilang mga naging sakripisyo para sa bansa.

Aniya, hindi tulad ng ibang mga uniformed personnel sa bansa ay iba ang Armed Forces of the Philippines dahil sa nature ng trabaho nito na alinsunod sa istriktong “military law” mula sa kanilang mga pagsasanay hanggang sa kanilang pagreretiro.

Bukod pa rito ay binanggit din ng kalihim na ang naturang pension scheme ay posibleng maging dagdag pasanin lamang para sa mga aktibong sundalo sa kadahilanang maaari itong maka-distract sa pagtupad nila sa kanilang misyon.