Pinag-aaralan ngayon ng Department of National Defense (DND) ang posibleng logistics at defense collaboration sa South Africa para suportahan ang self-reliant defense posture (SRDP) na inisyatiba ng bansa.
Sinabi ito ni DND Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa kanyang pakikipagpulong kay South African Ambassador to Manila Bartinah Ntombizodwa Radebe-Netshitenzhe sa isang courtesy call noong Peb. 23.
Dito ay binigyang-diin ng kalihim na ang naturang logistics and defense industry collaboration ay maaaring maging isang potensyal na kooperasyon, dahil sa mga priyoridad na pagsisikap ng DND na paunlarin ang self-reliant defense posture ng Pilipinas, at mapabilis pa ang capability upgrade ng Armed Forces of the Philippines.
Sa naturang pagpupulong ay muli rin pinagtibay ng dalawang opisyal ang kanilang pangako sa pagpapahusay ng ugnayang depensa at militar sa pagitan ng Pilipinas at South Africa.
Kaugnay nito ay kapwa naman nagpahayag ng optimismo ang magkabilang panig hinggil sa proposed defense cooperation agreements na magsisilbing balangkas sa pagpormal at pagsisimula ng magkasanib na mga aktibidad sa iba’t ibang larangan ng kooperasyon ng Pilipinas at South Africa.
Samantala, malugod na tinanggap ng sugo ng South Africa ang inisyatiba habang binibigyang-diin ang pangangailangan ng mga bansa na magtulungan upang tugunan ang mga karaniwang hamon sa depensa at seguridad.
Sa gitna ng mga pandaigdigang pag-unlad ng seguridad, binigyang-diin ng dalawang opisyal ang kahalagahan ng pagpapalakas ng ugnayan ng mga like-minded states sa pagtataguyod rules-based international order.