Nanawagan ang Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa mga Overseas Filipino Workers na na-stranded dahil sa kaguluhan sa Israel na huwag mabahala sa kanilang kasalukuyang kalagayan.
Paliwanag ni DMW Officer-in-Charge Usec. Hans Cacdac na may mga OFW kasi na nasa Middle East na nakatakda sanang pupunta sa Israel ngunit hindi na matuloy dahil sa nagpapatuloy na kaguluhan doon.
Ayon kay Usec Cacdac, may nakahandang tulong na ibibigay sa mga naturang OFWs mula sa pamahalaan ng Pilipinas.
Kasama dito aniya ang financial assistance, livelihood assistance, psychosocial assistance, at employment assistance.
Bahagi rin ng pangako ng opisyal ay ang pagtiyak na maayos ang kalagayan ng mga ito, habang stranded sila dahil sa nagpapatuloy na kaguluhan.
Ayon pa kay Cacdac, nakahanda rin ang tulong na ipamigay sa mga Pinoy workers na papunta sana sa Israel upang magtrabaho at mayroon nang overseas employment certificate at aprubadong visa ngunit hindi makaalis dahil sa kaguluhan.
Tiniyak din ng DMW Chief na patuloy itong nakikipag-ugnayan sa iba pang ahensiya ng pamahalaan upang matiyak na magiging maayos ang koordinasyon ng isasagawang pagtulong sa mga overseas filipinos na nakabase sa Israel.