-- Advertisements --

Nakipagpulong ang Department of Migrant Workers sa mga opisyal ng Saudi Human Rights Commission na pinamumunuan ni Dr. Hala Al-Tuwaijri sa Saudi Arabia upang talakayin ang mga issue sa mga Pinoy OFW.

Sa pangunguna ni Secretary Susan Ople, nagkasundo ang dalawang panel na magtulungan sa paglaban sa talamak na human trafficking.

Tinalakay din nila ang mga referral mechanism ng Saudi Arabia para sa mga kaso na kinasasangkutan ng mga inabusong migranteng manggagawa.

Kung matatandaan, si Secretary Ople na umalis ng Maynila at nagtungo sa Saudi Arabia para sa pagpapatuloy ng bilateral labor talks sa kanyang mga katapat na opisyal.

Nasa hanay din ng pag-uusap ang pagresolba sa mga nakabinbing claim para sa sahod at iba pang benepisyo dahil sa halos 10,000 displaced overseas Filipino workers (OFWs) na nawalan ng trabaho matapos magkaroon ng problema ang kanilang mga construction firm mula 2015-2016.

Sa kasalukuyan ay nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang talakayan ng parehong panig upang maresolba ang iba’t-ibang issue na kinabibilangan ng mga OFWs.