Inihahanda na ang flight booking at iba pang paraan ng transportasyon para sa unang batch ng mga Pinoy na humiling ng repatriation sa Lebanon.
Sinabi ni DMW officer-in-charge Hans Leo Cacdac na sinusubukan nila ang kanilang makakaya na ilikas ang mga Pilipino palabas ng Lebanon sa lalong madaling panahon.
Ito ay habang isasaalang-alang ang tumataas na tensyon sa pagitan ng Israel at mga militanteng Hezbollah.
Aniya, ang labor attaché ng DMW ay nagsagawa ng community outreach at kasalukuyang naglilista ng mga gustong umuwi sa bansa.
Sa kasalukuyan ay may mga flight bookings na inaayos at hindi ito magtatagal at magkakaroon na rin aniya ng unang batch ng mga repatriates palabas ng Lebanon.
Kung maaalala, noong Sabado, nang itaas ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang Alert Level 3 sa Lebanon, ibig sabihin ay boluntaryo ang repatriation para sa mga Pilipino.
Sinabi ni Cacdac na mayroon ding iba pang paraan para sa pagpapauwi ng mga Pilipino, ngunit hindi isiniwalat ang mga ruta.
Hindi bababa sa 113 Filipino ang humiling ng tulong mula sa gobyerno upang makabalik sa Pilipinas sa gitna ng patuloy na sigalot sa naturang lugar.