-- Advertisements --

Ibinasura ng Sandiganbayan ang hiling ni dating Caloocan City Mayor Recom Echiverri na nagpapabasura sa kanyang patung-patong na kasong katiwalian at falsification of documents.

Batay sa apat na pahinang resolusyon ng Special 2nd Division, sinabi ng anti-graft court na sapat ang higit dalawang taon na pangangalap ng ebidensya ng prosekusyon. Hindi rin daw ito maituturing na delay sa kaso.

“The Court rules that the findings and conclusion contained in the Resolution dated October 8, 2018 stand. Wherefore, premises considered, the Motion For Reconsideration dated October 17, 2018 , filed by accused Enrico R. Echiverri, Edna V. Centeno and Jesusa C. Garcia, through counsel, is hereby denied,” ayon sa resolusyong nilagdaan nina Associate Justices Oscar Herrera, Jr., Lorifel Pahimna, Karl Miranda at Edgardo Caldona.

Bukod kay Echiverri, nahaharap din sa tig-siyam na counts ng graft at falsification ang dalawa pang akusado na sina Edna Centeno at Jesusa Garcia.

Nag-ugat ito sa kwestyonableng mga proyekto ng lokal na pamahalaan na umabot sa P41-milyon.