Pinagalaw na ng Philippine Army ang disaster unit nito para sa nagpapatuloy na pagbabantay sa Bulkang Mayon.
Ayon kay Col. Xerxes Trinidad, Public Affairs Chief ng Phil Army, na kasabay ng nagpapatuloy na monitoring ng pamahalaan sa galaw ng bulkan, pinakilos na ng Phil Army ang 9th Infantry ‘Spear’ Division, para buuin ang Task Force Sagip.
Ang Task Force Sagip ay tututok sa Humanitarian Assistance and Disaster Response (HADR) operations sa lugar, kung saan agad itong nakipag-ugnayan sa Office of the Civil Defence 5, at mga local government units sa lugar.
Sa kasalukuyan, regular din aniya ang komyunikasyon sa pagitan ng 9th Civil Military Operations ng 9ID, kasama ang 504th Community Defence Center, 5th Regional COmmunity Defence Group, at iba pang friendly forces, para sa anumang isasagawang operasyon.
Sinabi rin ni Col Trinidad na nauna nang pinagalaw ng 903rd Infantry Brigade na may sakop sa mga probinsya ng Albay, Sorsogon, at Masbate, ang Emergency Response Team nito, habang tumulong na din ang 31st Infantry Batallion sa isinagawang mandatory evacuation sa mga residenteg nasa ilalim ng 6-kilometer radius danger zone.