-- Advertisements --

Aminado si National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Ricardo Jalad na hirap ang kanilang sitwasyon ngayon kung saan maliban sa sinusuong na COVID-19 pandemic ay sumabay pa ang paghagupit ng bagyo sa ilang bahagi ng bansa.

Sinabi ni Usec. Jalad, may mga evacuation centers kasi na itinayo ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at mga local government units (LGUs) ang pansamantalang ginawang isolation o quarantine facilities.

Ayon kay Usec. Jalad, ito ang dahilan kaya limitado lamang ang mga evacuation centers na maaaring pagdalhan sa mga kababayang apektado ng pagbaha dala ng bagyo.

Tiniyak naman ni Usec. Jalad na mahigpit na ipinatutupad ang social distancing sa mga evacuation centers.

Umaapela din ang opisyal sa mga LGUs na gumamit ng iba pang pasilidad gaya ng covered court, multi-purpose halls at gyms para doon muna pansamantala dalhin ang mga kababayang maaapektuhan ng sama ng panahon.

Pagdating naman sa relief goods ay nakahanda na umano ito maging ang mga non-food items at mga gamot.