-- Advertisements --

Kailangan na maghunos-dili ang Pilipinas sa China sa issue sa West Philippine Sea sa gitna ng COVID-19 pandemic, ayon kay House Committee on Appropriations chairman Eric Yap.

Sa pagtatanong ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas sa gitna ng plenary deliberations sa P8.238-billion pondo ng Office of the President (OP), iginiit ni Yap na mahalagang mapanatili ang diplomatic relationship sa pagitan ng Pilipinas at China.

Ito ay para mas mataas aniya ang tiyansa na mauna ang Pilipinas na makakuha ng bakuna sa COVID-19 sa oras na maging available na ito sa China.

Binigyan diin ni Brosas na hindi dapat gamitin ang pandemya para mangsamantala ang China at ipagpatuloy ang pagtayo ng mga imprastraktura sa mga teritoryo ng Pilipinas.

Iginiit ni Yap na hindi nagpapabaya ang pamahalaan sa issue na ito, pero hindi aniya maaring isiwalat sa publiko ang mga hakbang na tinatahak dahil sa issue sa national security.

Wala din aniyang dapat ikabahala sa pagtatayo ng China ng mga imprastraktura sa mga teritoryong sakop ng Pilipinas dahil sa oras aniya na dumating na ang tinatawag na “day of reckoning” ay sa mga Pilipino rin naman ito mapupunta.

“Ihalimbawa na lamang natin sa isang lupa na mayroon tayong dispute at iyong mas malaking puwerse mayroon siyang military at pinalibutan ang ating mga lupa. definitely ang kanilang itinayo ay mapupunta sa atin dahil atin ang lupa,” ani Yap.

“Huwag tayong matakot na nagtatayo sila ng mga structure dahil bandang huli kapag na-enforce natin ang ating karapatan, dumating na ang day of reckoning, ang mga structures na iyon ay mapupunta sa atin,” dagdag pa nito.