Dapat pa umanong maging mas matiyaga pa ang Pilipinas sa paghahain ng diplomatic protest laban sa China kaugnay ng presensya ng mga barko ng higanteng bansa sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Atty. Jay Batongbacal ng University of the Philippines Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea (IMLOS), hindi dapat lubayan ng pamahalaan ang paghahain ng reklamo, hangga’t may presensya ng Chinese militia vessels sa Julian Felipe Reef at iba pang parte ng WPS.
Sinabi pa ni Batongbacal na nasa tamang direksyon naman ang Pilipinas, dahil diplomatiko naman ang ating pamamaraan sa pagsasagawa ng protesta.
Aniya, mahalagang manatili ang pagpapakita ng ating bansa ng paggiit sa karapatan sa naturang lugar, dahil malinaw namang pasok ito sa ating teritoryo.
Sa kasalukuyan, mahigit 200 diplomatic protest na ang naisumite ng Department of Foreign Affairs (DFA) laban sa Beijing, mula nang umupo si Pangulong Rodrigo Duterte.