-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Pinalawig pa ng Diocese of Ilagan ang kanselasyon ng misa sa mga nasasakupang simbahan dahil sa banta ng coronavirus disease (COVID-19).

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Father Vener Ceperez, Social Communications Director ng Diocese of Ilagan, at Kura Paroko ng Saint Anthony De Padua Parish Chruch sa Reina Mercedes, Isabela, sinabi niya na pinag-usapan sa pagpupulong ng mga pari kung papaano ang kanilang pakikiisa sa ipinapatupad na enhanced community quarantine.

Sinabi ni Father Ceperez na ang pagkansela ng pagdiriwang ng misa ay pinalawig mula March 18 hanggang April 14, 2020.

Tiniyak naman ni Father Ceperez na ang misa na gaganapin sa Saint Anthony De Padua Parish Church sa Reina Mercedes ay live na mapapakinggan sa Bombo Radyo Cauayan at sa Facebook page ng istasyon ganap na alas-6:30 ng umaga tuwing araw ng Linggo.

Ngunit limitado lamang ang dumalo sa nasabing misa at hinikayat na lamang ang mga mamamayan na makinig sa Bombo Radyo Cauayan o manood sa Facebook live ng Bombo Radyo Cauayan.

Samantala, inihayag pa ni Father Ceperez na hihintayin nila ang kapasyahan ng Catholic Bishops Conference of The Phils. Commission on Liturgy kung ano ang magiging kapasyahan sa mga aktibidad sa mahal na araw.