Binuweltahan ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año si Cebu Governor Gwendolyn Garcia matapos umanong sabihin ng gobernador na dalawang linggo nalang ang mga nakaupong pambansang opisyal at mas mahalaga sa kanya ang kapakanan ng kanyang “constituents” sa pag-alis ng mandatory face-mask requirement sa Cebu.
Ayon kay Año na sila parin ang nakapuwesto ngayon kaya tungkulin parin nila na ipatupad ang batas kaugnay ng mandatory na pagsusuot ng face mask.
Paliwanag ni Año kahit dalawang linggo nalang sila sa pwesto ay hindi ito dahilan para hindi na sundin ang batas.
Paalala ng kalihim sa gobernador, ang state of Calamity dahil sa pandemya ay tatagal pa hanggang Setyembre ng taong ito alinsunod sa Executive Order 1218, at kailangan parin sundin ang Minimum Public Health standards (MPHS).
Dagdag ng kalihim, mali ang sinasabi ni Gobernador na para sa kapakanan ng kanyang mga botante ang pag-alis sa mandatory facemask requirement, dahil mas malalagay pa sa panganib ang kanilang kalusugan kung hindi magsusuot ng facemask.
Pinalalahanan ni Año ang mga mamayan ng Cebu na sumunod sa utos ng Pangulo ukol sa mandatory na pagsusuot ng facemask.
Giit ni Año, malinaw ang sinabi ng Pangulo na kailangan parin magsuot ng facemasks sa mga pampublikong lugar dahil hindi parin tapos ang Covid 19 pandemic.
Bilin ni Año sa mga mamayan, kapag may ibang utos na sumalungat sa sinasabi ng Pangulo, wag malito, at wag itong sundin.
Paliwanag ng kalihim ang pagpapatupad ng minimum public health standards (MPHS) katulad ng pagsusuot ng facemask alinsunod sa probisyon ng Executive Order (EO) 151 ang dahilan kung Bakit napanatali ng Pilipinas ang mababang bilang ng kaso ng Covid 19 kumpara sa ibang bansa.