Mahigpit pa rin ang paalala ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga opisyal ng Batangas at Cavite kaugnay ng seguridad at pagiging alerto sa aktibidad ng bulkang Taal.
Ito ay sa kabila ng pagbaba ng Phivolcs sa Alert Level 3 ng estado ng bulkan.
Ayon kay DILG Sec. Eduardo Año, mahalagang naka-alerto pa rin ang local chief executives bilang sinabi na rin umano ng Phivolcs na hindi pa rin maaaring maging kampante kahit humina na ang aktibidad ng Taal.
“Ayon na rin sa PHIVOLCS, kahit na ibinaba na ang alert level, hindi pa rin tayo dapat maging kampante. The crisis is not over. It’s over when there is no longer any alert level,” ayon sa kalihim.
“Maging handa at listo pa rin tayo sa ano mang puwedeng mangyari para masiguro ang kaligtasan ng ating mga kababayan,” dagdag ni Año.
Una ng tinapyas ng Phivolcs sa 7-kilometer ang danger zone.
Sakop nito ang mga lugar sa Kanlurang bahagi ng mismong volcano island at yung malapit sa Taal Lake.
Pinayagan na rin ng DILG ang mga residenteng hindi sakop ng bagong danger zone radius na umuwi mula kahapon.
“Based on your sound discretion, you may advise residents, communities, and owners of business establishments, particularly those outside the 7-km Danger Zone, that they have the option to return, but must be prepared for a quick and organized evacuation at such time that the alert level will again be raised.”
Sa huling datos ng NDRRMC, umabot na sa P3.3-bilyon ang iniwang danyos ng Taal eruption sa sektor ng imprastuktura at agikultura ng Batangas, Cavite at Laguna.
“Habang tila nananahimik ang Taal Volcano, gamitin natin ang pagkakataong ito para mas lalo pang pagbutihin ang ating paghahanda at siguruhing kompleto at sapat ang ating mga resources para na rin sa kapakanan ng mga apektadong residente.”