-- Advertisements --

Nanawagan si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” de Castro Abalos Jr. sa pamamagitan ng liham na binasa ni DILG Assistant Secretary Florencio Bernabe Jr. sa mga Pilipino na maging handa at sundin ang oplan ‘Listo’ bilang paghahanda sa ‘The Big One’.

Ang oplan ‘listo’ ay isang manual na inihanda ng DILG sa ilalim ng Local Government Academy upang mapaghandaan ng mga tao ang mga kalamidad at mga likas na panganib gaya na lamang ng lindol.

Nakapaloob sa nasabing manual ang importansiya ng pagpa-plano at pagsasagawa ng maagang mga hakbang kung sakaling mangyari ang sakuna at pag unawa sa mga kaakibat nitong mga panganib.

Kasabay ng nasabing manual, nakipagsanib pwersa rin ang DILG sa DSWD sa pagkakaroon ng ‘Gabay’ at ‘Mapa’ na nakalaan sa mga listong pamilyang Pilipino upang magkaroon ng isang plano at hakbang ang pamilya sa gagawaing aksiyon pagdating ng nasabing sakuna.

Aniya, hindi rin sapat na alam lamang ang mga impormasyon patungkol sa lindol bagkus kinakailangan ding intindihin nang mabuti ang panganib na dulot ng seismic activities at magkaroon ng mga hakbang upang mapagaan ang epekto nito.

Samantala naniniwala naman si Bernabe Jr. na hindi natatapos ang resiliency sa mga LGU’s, sa halip ay nagsisimula ito sa bawat miyembro ng pamilya at komunidad dahil sila ang nagsisilbing ‘bed rock’ kung saan nabubuo ang collective resilience na siyang nagpapalakas ng pagkakaisa ng mga Pilipino.

Ang aktibidad na ito ay bahagi ng earthquake preparedness summit na naglalayong unawain ang mga epekto ng lindol at isulong ang kahandaan ng mga Pilipino sa sakuna at sa mangyayaring “The Big One.”