
Hindi pa rin lusot sa pagbubusisi ang mga kinauukulan ang mga 3rd level officers ng Philippine National Police na hindi magsusumite ng kanilang courtesy resignation.
Ito ang binigyang-diin ni PNP chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. ilang araw bago matapos ang itinakdang deadline ng submission nito sa Enero 31, 2023.
Sa ngayon kasi ay mayroon pang 11 mga police official ang hindi pa nagbibigay ng kanilang mga courtesy resignation, at ayon sa ulat ay walo sa mga ito ang magreretiro na.
Paglilinaw ni Azurin, sakaling hindi man daw mapabilang ang mga ito sa sasalain ng committee of five ay hindi pa rin sila makakalusot sa ginagawang internal cleansing sa buong hanay ng Pambansang Pulisya.
Ito ay sa kadahilanang mismong ang PNP kasi aniya ang magbubusisi sa mga ito upang malaman kung may kaugnayan ba sila sa operasyon ng ilegal na droga kahit na sila ay mga retirado na.
Sa bukod naman na pahayag ay iginiit ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. na hindi sapilitan at tanging apela lamang sa lahat ng mga heneral at full pledged colonel ang kaniyang naging panawagan.
Kasabay nito ay sinabi niya na walang dapat na ikapag-alala ang mga police official na hindi makakapaghain ng kanilang pagbibitiw dahil wala aniyang sanctions at measures na ipapataw sa kanila nang dahil lamang dito.
Ngunit nilinaw niya na pagkatapos ng deadline ay magsisimula ang kanilang imbestigasyon ukol dito na magpapatuloy naman aniya hanggang sa lubusan nang malinis ang buong hanay ng Pambansang Pulisya mula sa ilegal na droga.
Samantala, kaugnay nito ay iginiit ni Abalos na magkakaroon pa ng extension ang deadline ng submission ng courtesy resignation sa mga heneral at koronel ng PNP ngunit sakali aniya may magbago ang isip ang malugod nilang tatanggapin ang mga pulis na hahabol sa pagsusumite nito.









