Hinimok ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang publiko na isauli ang cash assistance mula sa Social Amelioration Program (SAP) kung domoble ang kanilang natanggap mula rito o kung nakakuha rin sila ng cash subsidies mula sa iba pang programa ng pamahalaan.
Nagbabala si DILG spokesman Undersecretary Jonathan Malaya na ang hindi magsasauli ng pera ay makakatanggap ng “demand letter” mula sa pamahalaan.
Posible rin aniyang maharap sa kaso ang sinumang hindi magsasauli ng “doubled” assistance.
Iginiit ni Malaya na madali lang para sa pamahalaan na ma-trace ang mga benepisaryo na nakatanggap ng dobleng emergency cash subsidy.
Maari aniyang ibalik ang pera sa social welfare office ng lungsod o munisipalidad.
Bukod kasi sa SAP ng Department of Social Welfare and Development, nagbibigay din ng cash assistance ang Department of Labor and Employment pati na rin ang Social Security System.