-- Advertisements --

Upang maisakatupan ang 1:1 textbook-student ratio, isinusulong ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada na magkaroon ng digital copies ang lahat textbook at reference books sa mga pampublikong paraalan sa elementarya at secondary levels.

Sa kanyang SBN 2075 o ang panukalang Philippine Online Library Act, layon nitong magtatag ng Philippine Online Library na magsisilbing repository ng lahat ng digitized copies ng textbooks at reference materials na ginagamit ng mga mag-aaral sa public elementary at secondary levels.

Sa ilalim ng SBN 2075 ni Estrada, itatalaga sa Department of Education (DepEd) ang paggawa ng mga digitized copies ng lahat ng textbook at reference books ng mga mag-aaral sa public elementary at secondary levels.

Ang mga ito ay ilalagak sa ipinapanukalang Philippine Online Library na magkatuwang na pamamahalaan ng DepEd at Department of Information and Communication Technology (DICT).

Para matiyak ang access sa mga ito, maglalagay ng mga computer at laptops ang DepEd sa lahat ng pampublikong primary at secondary schools at ang DICT naman ay aatasan na maglagay ng mabilis at maasahang internet connection.

Imamandato rin sa panukalang batas ni Estrada ang pag-recycle ng mga computer, laptop atbp ng lahat ng national government agencies, GOCCs at and government financial institutions.

Ang kanilang mga lumang computers na papalitan nila ng bago, ay ieendorso ng DepEd sa DICT para suriin kung nasa maayos na kundisyon pa rin ang mga ito bago ipamahagi sa mga primary at secondary schools sa buong bansa. Sa ganitong paraan, mababawi ang gastusin sa pabili ng mga computers at ng mga mag-aaral.

Ang DepEd at ang National Library of the Philippines ang mangangalaga sa digitized copies ng mga textbooks.

Ipinapanukala rin ang paglalaan ng Kongreso ng paunang halaga na P500 milyon pamamahalaan ng DepEd at DICT para maipatupad ang nasabing programa.

Para naman sa mga gastusin sa mga susunod na taon, sinabi ni Estrada na dapat isama na ito sa taunang general appropriations act (GAA).